Friday, February 5, 2016

Eksena sa 10 Ft Diving Board

Dahan-dahan mong inakyat
ang hagdanang magdadala sa 'yo
sa isang tablang patungo sa kahihiyan.
Bawat hakbang
naririndi ka sa lalong lumalakas
na tunog na nililikha ng pangangatog
at pagbabangga ng dalawa mong tuhod.
Pagkarating sa tuktok ng iyong kalbaryo,
pakiramdam mo'y
tatalon ka mula sa isang barko,
patungo sa tubig na bumubuhay
ng mga pating.
Mga sigaw ng pangungutya
ang nagsisilbing espada
na pumipilit sa 'yong tumalon.
Pinikit mo ang iyong namumuting mata
at kinamtan ang katahimikan
na iyong inaasam.

Mas tahimik dito sa tubig.
Wala ka nang maririnig
na sigaw.

No comments:

Post a Comment